KASULATAN / ANG BIBLIA 1905
Mateo 9:1–38
1At lumulan siya sa isang daong, at tumawid, at dumating sa kaniyang sariling bayan.
2At narito, dinala nila sa kaniya ang isang lumpo, na nakahiga sa isang higaan: at nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, ay sinabi sa lumpo, Anak, laksan mo ang iyong loob; ang iyong mga kasalanan ay ipinatatawad na.
3At narito, ang ilan sa mga eskriba ay nangagsabi sa kanilang sarili, Ang taong ito'y namumusong.
4At pagkaunawa ni Jesus ng kanilang mga kaisipan, ay sinabi, Bakit nangagiisip kayo ng masama sa inyong mga puso?
5Sapagka't alin baga ang lalong magaang sabihin, Ipinatatawad na ang iyong mga kasalanan; o sabihin, Magtindig ka, at lumakad ka?
6Datapuwa't upang maalaman ninyo na ang Anak ng tao'y may kapamahalaan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan (sinabi nga niya sa lumpo), Magtindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa iyong bahay.
7At nagtindig siya, at umuwi sa kaniyang bahay.
8Datapuwa't nang makita ito ng karamihan, ay nangatakot sila, at kanilang niluwalhati ang Dios, na nagbigay ng gayong kapamahalaan sa mga tao.
9At pagdaraan doon ni Jesus, ay nakita niya ang isang tao, na kung tawagi'y Mateo, na nakaupo sa paningilan ng buwis: at sinabi niya sa kaniya, Sumunod ka sa akin. At siya'y nagtindig, at sumunod sa kaniya.
10At nangyari, na nang nakaupo siya sa pagkain sa bahay, narito, ang maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan ay nagsirating at nagsiupong kasalo ni Jesus at ng kaniyang mga alagad.
11At nang makita ito ng mga Fariseo, ay sinabi nila sa kaniyang mga alagad, Bakit sumasalo ang inyong Guro sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?
12Datapuwa't nang ito'y marinig niya, ay kaniyang sinabi, Ang mga walang sakit ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit.
13Datapuwa't magsihayo kayo at inyong pagaralan kung ano ang kahulugan nito, Habag ang ibig ko, at hindi hain: sapagka't hindi ako naparito upang tumawag ng mga matuwid, kundi ng mga makasalanan.
14Nang magkagayo'y nagsilapit sa kaniya ang mga alagad ni Juan, na nangagsabi, Bakit kami at ang mga Fariseo ay nangagaayunong madalas, datapuwa't hindi nangagaayuno ang mga alagad mo?
15At sinabi sa kanila ni Jesus, Mangyayari bagang mangagluksa ang mga abay sa kasalan, samantalang ang kasintahang lalake ay kasama nila? datapuwa't darating ang mga araw, na ang kasintahang lalake ay aalisin sa kanila, at kung magkagayo'y mangagaayuno sila.
16At sinoma'y hindi nagtatagpi ng bagong kayo sa damit na luma; sapagka't ang tagpi ay bumabatak sa damit, at lalong lumalala ang punit.
17Hindi rin nagsisilid ng bagong alak sa mga balat na luma: sa ibang paraan ay nangagpuputok ang mga balat, at nangabububo ang alak, at nangasisira ang mga balat: kundi isinisilid ang bagong alak sa mga bagong balat, at kapuwa nagsisitagal.
18Samantalang sinasalita niya ang mga bagay na ito sa kanila, narito, dumating ang isang pinuno, at siya'y sinamba, na nagsasabi, Kamamatay pa lamang ng aking anak na babae: datapuwa't halina at ipatong mo ang iyong kamay sa kaniya, at siya'y mabubuhay.
19At si Jesus ay nagtindig, at sumama sa kaniya, pati ng kaniyang mga alagad.
20At narito, isang babaing inaagasang may labingdalawang taon na, ay lumapit sa kaniyang likuran, at hinipo ang laylayan ng kaniyang damit:
21Sapagka't sinabi niya sa kaniyang kalooban, Kung mahipo ko man lamang ang kaniyang damit, ay gagaling ako.
22Datapuwa't paglingon ni Jesus at pagkakita sa kaniya, ay sinabi, Anak, laksan mo ang iyong loob; pinagaling ka ng iyong pananampalataya. At gumaling ang babae mula sa oras na yaon.
23At nang pumasok si Jesus sa bahay ng pinuno, at makita ang mga tumutugtog ng mga plauta, at ang mga taong nangagkakagulo,
24Ay sinabi niya, Magparaan kayo: sapagka't hindi patay ang dalaga, kundi natutulog. At tinawanan nila siya na nililibak.
25Datapuwa't nang mapalabas na ang mga tao, ay pumasok siya, at tinangnan niya siya sa kamay; at nagbangon ang dalaga.
26At kumalat ang pagkabantog na ito sa buong lupang yaon.
27At pagkaraan doon ni Jesus ay sinundan siya ng dalawang lalaking bulag, na nangagsisisigaw, at nangagsasabi, Mahabag ka sa amin, ikaw na Anak ni David.
28At nang pumasok siya sa bahay, ay nagsilapit sa kaniya ang mga lalaking bulag: at sinabi sa kanila ni Jesus, Nagsisisampalataya baga kayo na magagawa ko ito? Sinabi nila sa kaniya, Oo, Panginoon.
29Nang magkagayo'y kaniyang hinipo ang mga mata nila, na sinasabi, Alinsunod sa inyong pananampalataya ay siyang mangyari sa inyo.
30At nangadilat ang kanilang mga mata. At mahigpit na ipinagbilin ni Jesus sa kanila, na sinasabi, Ingatan ninyong sinoma'y huwag makaalam nito.
31Datapuwa't sila'y nagsialis, at kanilang inilathala ang kaniyang kabantugan sa buong lupang yaon.
32At samantalang sila'y nagsisialis, narito, sa kaniya'y dinala ang isang lalaking pipi na inaalihan ng demonio.
33At nang mapalabas ang demonio, ay nagsalita ang lalaking pipi: at nangagtaka ang mga karamihan, na nangagsasabi, Kailan ma'y hindi nakita sa Israel ang ganito.
34Datapuwa't sinabi ng mga Fariseo, sa pamamagitan ng prinsipe ng mga demonio ay nagpapalabas siya ng mga demonio.
35At nililibot ni Jesus ang lahat ng mga bayan at mga nayon, na nagtuturo sa mga sinagoga nila, at ipinangangaral ang evangelio ng kaharian, at pinagagaling ang sarisaring sakit at ang sarisaring karamdaman.
36Datapuwa't nang makita niya ang mga karamihan, ay nahabag siya sa kanila, sapagka't pawang nangahahapis at nangangalat, na gaya ng mga tupa na walang pastor.
37Nang magkagayo'y sinabi niya sa kaniyang mga alagad, Katotohana'y ang aanihin ay marami, datapuwa't kakaunti ang mga manggagawa.
38Idalangin nga ninyo sa Panginoon ng aanihin, na magpadala siya ng mga manggagawa sa kaniyang aanihin.
Mateo 9:1–38 · Ang Biblia 1905 (AB1905)
Buksan ang buong kabanataPAGNINILAY NA EDITORYAL · HINDI KASULATAN
Bago magpatuloy
Ang pagpapatawad ni Jesus, pakikisama sa mesa at pagpapagaling ay pumupukaw ng pagkamangha at pagsalansang. Si Mateo ay tinawag mula sa tanggapan ng buwis, at ipinaliwanag ni Jesus ang kaniyang pagkain sa mga tagalabas sa pamamagitan ng larawan ng isang manggagamot. Ang kabanata ay nagtatapos sa pagkahabag sa mga pulutong at panawagan para sa mga manggagawa.
Basahing muli ang talata kung gusto mo. Pansinin kung aling salita, pagkilos, o tanong ang nananatili sa iyo. Maaari mong tapusin ang pagbabasa nang hindi natatapos ang pag-iisip tungkol dito.
SANDALI PARA MAGNILAY
Sino ang iba pang nakikita ni Jesus sa kaniyang mga kritiko? Kaninong pangangailangan ang madali mong palampasin?
PUWANG PARA SA SARILI MONG MGA SALITA
Isang kaisipang itatala.
Naligtas lamang sa browser na ito sa aparatong ito. Ang iyong mga salita ay hindi ipinadadala sa amin. Ang pagbura ng data ng browser ay nag-aalis ng mga notang ito.
Sumulat ng ilang salita kapag handa ka na.
Naka-save lamang sa browser na ito ang pag-usad mo, hiwalay sa app.